MODEL KILLER MAY 3 KASABWAT

Rossel Calderon

Hindi nag-iisa ang suspek sa pagpatay sa isang dalagitang nag-a-apply na maging modelo na natagpuang wala nang buhay sa isang ilog sa Indang, Cavite kamakailan.

Ito ang testimonya sa Indang Municipal Police Station ng hindi pina­ngalanang mga testigo sa sinapit ng biktimang si Melissa Magracia, 17-anyos, estudyante ng AMA Computer College at residente ng Belvedere Subdivision, Paradahan 1, Tanza, Cavite.

Napag-alaman sa isang testigong lumutang na maliban sa ka-eyeball ni Melissa na si Lric Mojica, ang model recruiter na nakilala niya sa Facebook ay may tatlo pa itong kasamang mga kalalakihan.

Ang itinuturong ­tatlo pang kalalakihan ay ina­alam ng Indang Police upang makapagbi­gay-linaw sa kamatayang ­ina­bot ni Melissa.

Sa isang panayam naman ng TONITE sa ina ni Melissa na si Bing Magracia, sinabi ­nitong may premonition ang nang­yari sa kanyang anak.

Ikinuwento sa TONITE ni Aling Bing na bago ­umalis ang kanyang anak noong Dis­yembre 6, ang huling araw na nakita itong buhay ay malam­bing ito.

“Tapos nag-i love you pa bago umalis ng bahay at makikipagkita lang daw sya sa mga kumukuhang modelo sa kanya”, salaysay ni Aling Bing.

Magugunitang naiulat ang pagkawala ni Melissa nitong Disyembre 6, bago natagpuang bangkay sa ilog na sakop ng Brgy. Guyam Malaki sa Indang, Cavite na luwa ang kaliwang mata at halos agnas na ang bangkay ng biktima ng ma­diskubre ng isang residente na nagla­laba sa nasabing ilog.

Ayon pa rin kay Bing, isang araw bago niya na­balitaang may nakitang patay na ­estudyante sa Indang ay ­nanaginip ito na hinahaplos ng anak.

“Sobrang lamig ng pagkakahaplos nya kaya nagising ako na iyak ng iyak, at sabi ko ‘wag naman po ‘wag naman po,” ayon pa sa ginang.