Modus sa SMDC at BDO imbestigahan (Part 2)

Broadcaster's view-ely-saludar

Sa ating unang kuwento sa posibilidad na may modus sa pagitan ng SM Development Corporation (SMDC) at Banco De Oro (BDO) ay ipinapanawagan natin na ito ay imbestigahan ng mga awtoridad at may-ari ng nasabing kompanya.

Sa aking karanasan ay inaprubahan ang aking pagbili ng condominium unit sa Light Residences Tower 2, Madison St., Mandaluyong City at nahulugan natin ang down payment sa loob ng 2 taon.

Ang masaklap ay big­lang hindi inaprubahan ng BDO ang aking home loan dahil sa hindi raw ako kuwalipikado at walang kakayahan na magbayad.

Magkapatid na kompanya ang BDO at SMDC na pag-aari ng pamilya ni Henry Sy.

Ayon sa SMDC, hindi raw ako puwede mag-housing loan sa Pag-IBIG Fund at mas nais nila ay BDO lang.

Pero ang nakapagtataka ay bakit aprubado ako sa SMDC na may kakayahan bumili nang hulugan sa kanilang condo unit, sa BDO ay hindi puwede.

Hindi maiaalis na sinasadya ito upang awtomatikong ma-default at hindi ko mabayaran ng cash ang condo unit at magiging dahilan upang ilitin at muling makuha ng SMDC ang condo unit at lipad na ang down payment.

Naniniwala ako na hindi ito alam mismo ni ginoong Henry Sy at kanyang anak na namumuno sa nasabing mga kompanya kung kaya’t dapat ay paimbestigahan ito at ito’y posibleng modus.

Pero kung hindi maiimbestigahan at hindi maikokorek ang hinihinalang modus sa SMDC at BDO ay hindi nila maiaalis na paniwalaan natin na alam at may basbas pala ito sa mismong matataas na opisyal at may-ari ng korporasyon.

Dapat sana ay kapag aprubado na sa SMDC at awtomatiko na ito sa BDO at kung maaari nga ay ang bangko na ang kumuha ng mga requirement na naunang naisumite na ng kliyente maliban na lang kung may opsiyon na gustong mag-loan sa ibang bangko.

Dapat ay payagan ng SMDC na makapag-housing loan sa Pag-IBIG Fund bilang tulong na rin nila sa mga manggagawang Filipino.

Sa aking kaso ay tiyak na aprubado ang aking housing loan sa Pag-IBIG Fund dahil mas mataas sa pangkaraniwan ang aking suweldo na bukod sa regular employer ay mahigit 20 taon na akong miyembro.