Molina, Stalzer kumayod sa Petron

Mga laro sa Martes, April 3:
(FilOil Flying V Center)
4:15: p.m. – Foton vs Cignal
7:00 p.m. – Cocolife vs Sta. Lucia

Naobligang humataw sina import Lindsay Stalzer at local Frances Molina upang akayin ang Petron laban sa makulit na Smart, 25-22, 22-25, 25-18, 26-24 kagabi sa Chooks to Go-6th Phi­lippine Superliga (PSL) 2018 Grand Prix second round elims sa Baliuag Star Arena, Bulacan.

Nakaranas ng matin­ding laban ang Blaze Spi­kers matapos mangalabaw ang reinforcement ng Giga Hitters na si Gyselle Silva.

Natisod sa second frame ang Petron pero umentra sina Stalzer at Molina upang umiskor ng clutch hits habang dinidepensahan naman ni Mika Reyes si Silva.

Pang-walong sunod na panalo ng Blaze Spikers ito matapos walisin ang seven-game first round sa event na mga suportado ng Mikasa, Asics, Senoh, LGR at Grand Sport.

Tumipa si Stalzer, Most Valuable Player noong 2015, ng 17 a­ttacks at dalawang service aces para sa kanyang 19 points habang tumikada sina Molina at Aiza Maizo-Pontillas ng tig 13 mar­kers para sa Petron.

Nilista naman ni Reyes ang tatlong blocks, guwardyado nito sa endgame si Silva.

“Smart gave us a very good fight,” saad ni Reyes. “Kudos to Gyselle Silva. Her heart was there, ma­king sure that all her spikes would be conver­ted into points. We were inspired to stop her. I told myself that I will block her no matter what.”

Kumamada si Silva ng 39 puntos mula sa 32 kills, limang service aces at dalawang blocks para sa G’Hitters.