May nakakalerky na throwback kuwento si Ai Ai delas Alas tungkol sa kontrobersyal na ina ni Sarah Geronimo na si Mommy Divine.

Si Ai Ai kasi ang gumanap na kinagisnang ina ng karakter ni Sarah na si Dorina Pineda sa Kapamilya teleseryeng “Bituing Walang Ningning” nu’ng 2006.

Sey ng Comedy Queen, mabait si Sarah, pero “Mommy Divine is Mommy Divine.”

“Medyo na-off lang ako nang konti. Kasi, parang nawala ‘yung t-shirt ni Sarah, pinagbintangan niya kami na kami ‘yung kumuha.”

Seryoso? Pati kapuwa artista ni Sarah, pinagbintangan ni Mommy D? In fairness, mukhang first time niya ‘yon na mapagbintangan ng gano’n, ha?

“Oo! Ha! Ha! Ha! Nakakaloka, ‘day!” natatawang sey ng komedyana.

Kuwento niya, “Wala na ako nu’n, ate ko ‘yung nandu’n. Kaya ang ate ko, si Ate Joanne, ang tawag niya kay Mommy Divine, ‘best friend Divine’!

“Ate ko ‘yung nag-explain na wala sa amin ‘yung t-shirt.”

Maya-maya, paglilinaw ni Ai Ai, “Ikokorek ko lang. I think ‘yung assistant noon ni Sarah ang nagkamali na hanapin sa amin (‘yung nawawalang t-shirt).

“Kasi, si Mommy Divine ang naghahanap sa kanya (assistant) eh. Kaya hinanap sa amin (nu’ng assistant) at kami raw ang kumuha nu’ng t-shirt.”

Tawang-tawa kami nu’ng tanungin namin si Ai Ai kung anong t-shirt ba ‘yung hinahanap na ‘yon, tapos ang sagot niya sa amin ay Bossini.

Akala naman namin ay kung anong mamahaling t-shirt ‘yon na pati sa kanila ay hinanap as if pag-iinteresan nila ito, huh?

“Ang medyo na-off ako, nu’ng kinalkal niya ‘yung van namin. Kaya ‘yung kapatid ko, ang tawag niya talaga kay Mommy Divine, ‘best friend Divine.”

Nandu’n ba siya nu’ng kalkalin ang van niya?

“Wala, nagsimba ako sa Baclaran, may sarili akong sasakyan. Buti na nga lang.”

Dahil doon ay lumipat na lang daw si Ai Ai ng kuwarto. Magkakuwarto raw kasi sila ni Sarah nu’ng una.

Hindi ba tsumitsika si Mommy D sa set? Hindi ba ito ma-friendly sa mga katrabaho ni Sarah?

“Ma-friendly naman si Mommy kahit paano. May ganu’n lang na insidente. Pero after naman no’n, happy-happy na,” pakli ng Reyna ng Komedya.

Pero si Sarah, wala silang naging problema, ‘di ba?

“Wala, mabait na bata ‘yon si Sarah.”

Bilang ina, ano bang masasabi niya sa sikretong pagpapakasal ni Sarah kay Matteo Guidicelli, na sinugod ni Mommy Divine ang reception nang malaman nito?

“Alam mo, bilang nanay, ako may anak akong babae, si Sophia, lahat naman kaming mga ina, wala kaming hinahangad na masama para sa anak namin.

“Kaya lang, ‘pag nasa edad na, puwedeng go na. Move on na tayo. Hayaan na natin sa kaligayahan niya si Sarah. Kasi, 31 na si Sarah.

“And I think, lahat naman ng pagtulong niya sa pamilya niya, nagawa na niya. It’s time naman na bigyan naman si Sarah ng kaligayahang para sa kanya.”

Si Matteo ba, na-meet na niya?

“Mabait din si Matteo, na-meet ko na rin ‘yon. At mayaman.

“At si Matteo, may mga escort siya, bodyguard. At isa sa bodyguards ni Matteo noon ay father-in-law ko. Tatay ni Gerald (Sibayan, husband niya). Kasi, ‘di ba, Army sila? Family ni Gerald is sundalo,” sey pa ni Ms. Ai, na nakatsika namin sa blessing at grand opening ng Shinagawa Lasik & Aesthetics .

Pelikula ni Dingdong liyamado

Siguro naman this time ay papasok na ang pelikula ni Nora Aunor na “Isa Pang Bahaghari” sa Summer edition ng MMFF after itong maligwak sa December filmfest last year.

Isang nakapanood na ng movie ang nagkuwento sa amin na mas maganda raw ito kesa sa nauna ritong “Rainbow’s Sunset” na nagwaging Best Picture sa MMFF 2018.

Mukhang liyamado rin ang “A Hard Day” ng Viva Films, na bukod sa adaptation ng isang hit Korean movie ay pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.

In all fairness ay ang lakas ng impact ng horror movie ng Regal Films na “The Missing” na napanood namin nu’ng premiere night ng “Us Again.”

Akala namin ay foreign movie ito dahil ang ganda ng pagkagawa ng trailer. Bida rito sina Joseph Marco, Ritz Azul at Miles Ocampo, na nag-location shoot pa sa Saga, Japan.

Ang Viva ay meron pang isa, ang comedy na “Tililing” na mula sa makers ng blockbuster hit na “Jowable”.

Magkakaalaman ngayong hapon kung aling mga pelikula ang papasok sa Magic 8 ng 1st Summer MMFF!