GABI na natapos ang pag-aayos kay Isabel Granada sa Arlington at saka ito dinala sa pinagburulan sa kanya sa Santuario de San Jose sa Greenhills.

Habang papunta na ng Santuario, nakausap namin ang dating asawa ni Isabel na si Jericho Aguas.

Parang hinihiwa raw ang dibdib niya sa sobrang sakit kapag nakikita niya ang anak niyang sobrang nasaktan sa maagang pagpanaw ng ina nito.

“Bago nilagay yung salamin sa kabaong ni Isabel, bigla sinabi niya (Hubert) sa akin na ‘I didn’t expect that all of these will happen’.

“Kumbaga ano, talagang halo-halo po ang emosyon ng amin pong anak at siyempre bilang bata, litong-lito rin siya sa mga nangyayari,” sabi ni Jericho.

Doon na rin namin ipinakuwento kay Jericho kung ano talaga ang nangyari pagdating nila ng Doha, Qatar na kung saan nasa ICU na si Isabel.

Kung ano-ano kasing kuwentong naglabasan, at ang mga unang statement ng mga kasamahan nila, stable naman daw ang vital signs. Pero heto ang buong kuwento ni Jericho kung ano talaga ang nangyari.

“Ganito po ang tunay na pangyayari. Sa katunayan po niyan, bago pa kami nakarating ng Qatar pati sina Mommy Guapa, sinabi na po sa akin ni Arnel (husband ni Isabel ngayon) ang tunay na kalagayan which is nandun na po sa pinaka-worse scenario.

“Of course, we are all hoping and praying for miracle to happen that’s why pinilit po namin na makarating doon. Di ba meron po silang sinasabi na kapag marinig po yung boses ng anak, ng ina, ng lahat na nagmamahal minsan gumigising po yung ating mahal sa buhay na may sakit.

“So, yun po ang ginawa po namin, sinubukan po namin na lahat po na pagmamahal ibigay kay Isabel. Sa kasamaang palad, kahit ilang araw po namin sinubukan. Nagsubok pa po kami ng doktor na magtawag sa iba pong bansa dahil yan po ang request ni Mama Guapa.”

Dumating na raw sa puntong ayaw nang kausapin ni Mommy Guapa ang mga doktor dahil hindi niya matanggap ang mga sinasabi nilang tunay na kalagayan ng singer/actress.

Patuloy na kuwento ng konsehal ng Angeles City: “Ang nangyari po doon, pagdating po nina Mama Guapa, ang pagbalita po sa kanya ng mga doktor ay medyo tragic na yung medyo pagkasabi medyo brutal ba.

“So, nagulat po si Mama Guapa sa pagkasabi po doon ng brutal ng mga doktor. Ito namang mga doktor siyempre hindi mga medical na ano lang, sinabi lang yung mga medical terms po siguro. From then on, ayaw na po niya makausap ang mga doktor.

Ayaw na niyang makausap, o ayaw na niyang marinig ang kung ano mang mga balitang nanggagaling sa kanila.

“Kaya kami naman, o sige kumuha pa tayo ng iba pang opinyon, kaya nga po nag-try po kami ng ibang opinyon mula po sa ibang doktor hanggang po sa dumating ang maraming araw na yun na nga po, talagang ang katawan na po ni Isabel ay talagang humina at bumigay at bumigay na.”

Pinagbigyan nga raw nila ang pakiusap ni Mommy Guapa na hu­mingi ng tulong sa Spain, na mag-request sila ng doktor mula sa kanyang bansa, hindi naman daw natuloy.

“Hindi po natu­loy kasi napakakumplikado po ng mga pangyayari, at wala pa po kaming nakausap na doktor doon na kung sino man ang puwedeng makapunta ng Qatar.

“Although tumulong na po ang Philippine Embassy, ang Spanish Embassy, ang mga kamag-anak po ni Mama Guapa sa Spain, patuloy pa po naming kinakausap. Pero hindi na po naging option yun.

“Ang na­ging second option ay kausapin ang nasa Cuban Hospital doon sa Qatar dahil nagtitiwala si Mama Guapa na kumbaga kalahi raw po nila yun so, sige tinawagan din po namin. Ngunit ang Cuban hospital pinag-aralan ang kaso ni Isabel at ­nagtitiwala doon sa judgment sa hospital sa Hammad,” patuloy na kuwento ni Jericho.

Ngayon ay inalala­yan na lang daw muna ni ­Jericho ang kanyang anak at si Mommy Guapa, dahil nandoon pa lang daw sila sa stage na tanggapin ang nangyari kay Isabel.

Paulit-ulit na ­nagpapasalamat si Jericho sa lahat na tumulong, nagdasal at nakiramay sa kanila.

Sabi pa niya, magbi­bigay daw sila ng update sa kanilang Facebook account kung kailan na talaga ang cremation kay Isabel dahil gusto na raw sana ni Mommy Guapa na mapaaga. Pero wala pa raw na-finalize.

So far, doon pa raw sila sa unang na-announce na magkakaroon ng misa ng buong pamilya sa Linggo at dadalhin sa Arlington para i-cremate at ibabalik ang mga abo nito sa ­Santuario de San Jose.