Kabilang ang isang 6-anyos na batang lalaki sa nabiktima ng Momo Challenge at mabuti na lamang ay napilit ito ng kanyang magulang na magtapat sa pinagdaraanan niyang problema na likha ng makabagong teknolohiya sa social media.
Sa panayam ng GMA, sinabi ng ina ng bata na napansin nilang kakaiba ang ikinikilos ng kanyang anak kung kaya’t inusisa nila ito.
Noong una ay ayaw diumanong magsalita ng bata pero kalaunan umamin na rin ito sa kanyang mga magulang at ipinagtapat ang kakaibang pinapagawa sa kanya ng Momo Challenge.
Inutusan diumano ang paslit na pumatay ng 10 katao at kapag hindi nito ginawa ay siya ang masasaktan.
Mahigpit din umanong pinagbilinan ang kanyang anak na huwag sasabihin sa iba ang pinapagawa sa kanya dahil pati sila ay masasaktan.
Nabatid na aksidente lamang ang pagkakadiskubre ng kanyang anak sa Momo Challenge.
Dumanas umano ng matinding takot, pamumutla at nanginginig pa ang kanyang anak dahil sa Momo Challenge.
Samantala, pinatutukan ng Philippine National Police (PNP) sa Anti-Cybercrime Group ang paghanap ng solusyon para mapigil ang pagkalat ng online game na ‘Momo Challenge’ na nag-uutos sa mga batang saktan ang kanilang mga sarili at kapwa.
Ito ay matapos ang nangyaring pagpapakamatay ng isang 11-anyos na estudyante sa loob mismo ng kanilang paaralan na ipinalalagay na may kaugnayan sa nasabing online game.
Mismong ang ina ng nasabing bata ang nagkuwento kaugnay ng kakaibang kilos ng kanyang anak na umano’y hindi niya gaaanong binigyan ng pansin, subalit nang isugod umano ang kanyang anak sa ICU sa isang ospital ay may sinabi ang kanyang anak bago ito binawian ng buhay na “I will follow my master, and I will kill them all.”
Labis umanong ipinagtaka ng nanay ang sinabi ng anak at dito na niya nakita ang ilang nakakabahalang mensahe tungkol sa suicide game sa cellphone ng anak kung saan inuutusan ang ang mga bata na saktan ang kanilang sarili sa Blue Whale at Momo Challenge.
Kaugnay nito, pinayuhan din ni PNP Anti-Cybercrime Group director Police Brig. Gen. Marni Marcos Jr. na subaybayan ang online activity ng kanilang anak at gabayan ang mga ito upang hindi mapariwara sa mga ganitong suicidal game online.