Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na paiigtingin ang isinasagawang monitoring sa mga lugar ng operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) .
Ayon kay Bello, maglalagay ng maraming labor law compliance officer sa mga lugar ng operasyon ng POGO para makatiyak na hindi magihing disadvantage sa gobyerno ang operasyon ng POGO na karamihan ng empleyado ay pawang Chinese national na walang mga valid permit.
“In fact, dinagdagan kami ng 500 na labor law compliance officers (LLCO) to watch workers in the POGO operation areas. Unang una, we have to make sure that workers there ay mayroong Alien Employment Permit (AEP),” ayon kay Bello .
Sinabi ni Bello na hindi mag-iisyu ang DOLE ng AEP sa mga trabaho na kayang gawin ng mga Pilipino.
“Hindi kami nagbibigay ng AEP sa kahit sinong foreigner kung ang trabahong ginagawa nila ay kayang gawin ng mga Filipino,” ani Bello.
Gayundin, hindi mag-iisyu ang DOLE ng mga AEP sa mga foreign worker na walang tax identification number (TIN) para makatiyak na magbabayad sila ng buwis sa gobyerno.
Sinabi rin ni Bello na madali namang tukuyin ang POGO area sa Maynila at kung saan maraming POGO ay magdadagdag sila ng personnel sa Regions 2, 3, 4 at 11. (Juliet de Loza-Cudia)