MONSTER GRIFFIN

Naunang lumipad at nakaamba na ang dakdak ni Blake Griffin (32) ng Los Angeles Clippers, pinanood na lang siya nina Michael Kidd-­Gilchrist (14) at Frank Kaminsky (44) ng Charlotte. Sa likod ng 43 points, 10 ­rebounds at five assists ni Griffin ay naligtasan ng Clippers ang Hornets, 124-121, sa overtime. (AFP)

LOS ANGELES (AP) — Nilista ni Blake Griffin nitong Linggo ang pinakamatikas niyang performance sapul nang bumalik mula sa knee surgery­ noong isang buwan, nagkamada ng season-high 43 points at may panahog na 10 rebounds at five assists para giyahan ang Los Angeles Clippers sa 124-121 overtime win kontra Charlotte Hornets.

Nagdagdag ng 22 points si JJ Redick sa Clippers, may 20 points at 19 rebounds si DeAndre Jordan. Sa ikalawang laro mula sa thumb injury, tumapos si Chris Paul ng 15 points, 17 assists, nine rebounds at zero turnovers sa loob ng 41 minutes.

Kinailangan ng Clippers ang bawat produksiyon ng apat, dahil nakakuha ang Hornets ng 34 points mula kay Kemba Walker at 31 kay Nicolas Batum na 8 of 13 sa 3-pointers.

Umahon ang Charlotte mula sa 17-puntos na pagkakaiwan para makapuwersa ng overtime. Naghahabol ng lima 48.2 seconds pa sa regulation, nagbaon si Walker ng 3 bago nagdagdag ng dalawang free throws 11.9 seconds na lang para ibuhol ang iskor.

Sablay ang 15-foot fallaway ni Paul sa buzzer.

Sa kabila ng pakikipagpukpukan hanggang dulo, hindi napigil ng undersized Hornets si Griffin.

“He’s a monster,” bulalas ni Charlotte coach Steve Clifford. “He’s so skilled and smart, and he’s the perfect player.”