Montero vs Vios: 5 patay, bata nakaligtas

Patay ang lima katao habang himalang nakaligtas ang isang 2-anyos na batang babae nang magsalpukan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng national highway sakop ng Brgy. San Rafael, Cabangan, Zambales kahapon nang hapon.

Batay sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Senior Inspector Marvin Domacena, hepe ng Cabangan Municipal Police Station), naganap ang sakuna dakong alas-2:40 nang hapon nang magsalpukan ang kulay gray na Montero Sport na may plakang UQI 990 at ang Toyota Vios na may plakang VDX 231.

Tumatakbo ang dalawang sasakyan sa magkahiwalay na direksiyon ng national highway nang bigla umanong mag-overtake ang Vios na minamaneho ni Danilo Ladrigan y Fernandez at napunta sa kabilang linya ng kalsada.

Dahil sa bilis ay hindi na umano nakaiwas ang kasalubong na Montero na minamaneho ni Gilbert Elorde y Echon.

Isang pasahero ng Montero ang nasawi na kinilalang si Maria Ofelia Ebue. Isinugod naman sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital (PRMMH) sa Iba, Zambales si Elorde at dalawang hindi pa nakikilalang mga pasahero ng Montero na isang babae at isang lalaki.

Dead on-the-spot naman ang drayber ng Vios na si Ladrigan at dalawang hindi pa nakikila­lang babae na sakay nito habang idineklara namang dead-on-arrival sa PRMMH ang isa pa.

Himalang nakaligtas sa aksidente ang 2 taong gulang na batang pasahero rin ng Vios matapos umanong yakapin ng kanyang ina.

Patuloy nang sinisiyasat ng Cabangan Municipal Police Station ang insidente para sa ikalilinaw ng kaso.

Nabatid naman mula kay Jhoggs Dacoron, non-uniformed personnel ng Office of the Provincial Director ng Zamb
ales Police Provincial Office na pinamumunuan ni Sr. Supt. Cosme Abrenica, na nakatanggap ang Cabangan Municipal Police Station ng tawag sa cellphone mula sa isang nagmalasakit na residente at ipinagbigay-alam ang naganap na sakuna sa kanilang lugar.

Rumesponde ang mga pulis sa lugar na pinangyarihan ng insidente para agad masaklolohan ang mga biktima.