Morado nagmalasakit sa mga frontliner

HINDI lang mahusay pumalo, magpadala ng bola o mag-set sa teammates si Julia Melissa ‘Jia’ Morado.

Ipinakita ng Premier Volleyball League (PVL) star na may ginintuan din siyang puso para sa mga frontliner at health worker na patuloy ngayong nagsasakripisyo at hatid serbisyo sa pagharap sa hamon ng pandemic COVID-19.

Sa Twitter account (@juliacmorado) ng 24-anyos, may taas na 5-7 at tubong Parañaque na volleybelle, kabilang siya sa nagpapaabot ng suporta at tulong sa mga nakasabak na frontliner na buwis buhay sa mga pasyente ng nakamamatay na coronavirus disease.

Pinaskil din noon ng Creamline Cool Smashers setter, na hinihintay na lang niya ang ilan pang paparating na medical supplies gaya ng PPE, Surgical Gloves at N95 Masks na ipamimigay ng kasangga niyang grupo sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.

“We are in the process of waiting for the rest of our supplies to arrive before we distribute to our partner hospitals! We still value all of your continued support,” caption ng magandang dalagang balebolista.

Nagpadala na rin si Morado ng unang batch na 2000 surgical gloves at 1500 N95 masks sa nabanggit na pagamutan. At sa ngayon ay hinihintay pa niyang dumating ang 1600 na PPE Suits, 2000 surgical gloves at 2000 N95 masks. (Aivan Denzel Episcope)