Most wanted person nalambat matapos 14 taong pagtatago

Gayunman, nang magtungo ang binuong task force sa bahay ni Gamboa sa No. 12 Concepcion East Zaragoza sa lalawigan ng Nueva Ecija, hindi na nila inabutan ang wanted na pulis bagama’t natuklasan nila na namalagi pansa­mantala roon ang akusado.

Ang paglalahong parang bula ni Gamboa, pati na ng kanyang pa­milya, ay naging sampal sa ginagawang puspusang pag-TUGIS ng kapulisan laban sa kanya bagama’t batid nila na bilang isang dating kagawad ng PNP, alam ng akusado ang kilos at galaw ng kanyang mga dating kasamahan kaya’t nagagawa niyang makaiwas at makapagtago.

Dahil sa mala-palos na pag-iwas sa batas ni Gamboa, naglaan ang pamunuan ng pulisya ng halagang P145,000 bilang pabuya sa sinumang makakapagturo sa pinaglulunggaan ng akusado na magreresulta sa agaran niyang pagkakadakip.
Gayunman, sa kabila ng inilaang pabuya para sa ikadarakip ng suspek, bigo pa rin ang pulisya na matunton kung saan siya namamalagi lalo na’t halos lahat ng kanilang mga napuntahang lugar ay positibong pinagtaguan ng nasibak na pulis bagama’t nakatalilis na bago pa man dumating ang mga tumu-TUGIS.

Matuling lumipas ang mga taon hanggang magretiro na ang ilang mga namuno bilang District Director ng MPD, pati na ang imbestigador na humahawak sa kaso ng pagpatay kay Victoria at ang station commander ng Meisic Police Station na nakakakilala sa kanyang katauhan.

Mistulang nabaon na sa limot ang pag-TUGIS kay Gamboa na labis na ikinadismaya ng mga anak ng napaslang na si Victoria lalu na’t sa kanilang paniniwala ay hindi nabigyan ng wastong hustisy­a ang karumal-dumal na krimen.

Maging ang gagawing paglilitis sana sa kasong kinakaharap ni Gamboa bilang pangunahing akusado sa pagpatay sa kanyang kalaguyong si Victoria ay pansamantalang nabimbin hangga’t hindi pa siya nahuhuli ng pulisya.
Nang maupo bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Hunyo 1, 2018 si Chief Supt. Guillermo Eleazar, pangunahin niyang pinagtuunan ng pansin, hindi lang ang paglaban sa iligal na droga, kundi pati na rin sa paglilinis sa hanay ng kapulisan.

Binigyang-pansin din ni Chief Supt. Eleazar ang pag-TUGIS sa mga wanted person na sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen sa paniwalang nararapat lamang na mabigyan ng hustisya ang mga taong naging biktima ng karahasan ng mga kriminal na patuloy na nakakalaya at nakakapagtago sa batas.