Most wanted person nalambat matapos ang 14 na taong pagtatago

Hindi naman nabigo si Col. Cansilao dahil may natanggap siyang impormasyon na nakikita sa isang lugar sa lungsod ng Olongapo sa lalawigan ng Zambales si Gamboa.

Kaagad na ipinabatid ni Col Cansilao kay Maj. Gen. Eleazar ang nakalap na impormasyon kaya’t iniutos kaagad sa kanya ng opisyal na makipag-ugnayan sa Olongapo City Police Office upang maisagawa ang surveillance operation.

Ilang araw ding nagsagawa ng paniniktik ang mga tauhan ng NCRPO-RID sa lungsod ng Olongapo hanggang magpositibo ang kanilang natanggap na impormasyon na namamalagi na sa naturang lungsod ang dating pulis, kasama ang kanyang pamilya.

Lunes ng Mayo 13, 2019, eksaktong araw ng halalan nang isagawa ng pinagsanib na puwersa ng NCRPO-RID sa pangu­nguna ni Col. Cansilao, ilang tauhan ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit at Police Station 1 ng Olongapo City Police Office ang pagdakip kay Gamboa sa bisa ng inilabas na warrant of arrest ng hukuman laban sa kanya matapos ang mahigit 14 na taong pagtatago.

Patungo sa polling precinct sa Barangay West Bajac-Bajac, Olongapo City para bumoto si Gamboa dakong alas-11 ng umaga nang pagsalikupan at arestuhin siya ng mga pulis.

Hindi na nakapalag si Gamboa nang padapain at posasan siya ng mga tauhan ng NCRPO-RID at basahin ang kanyang karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine bilang akusado sa nangyaring pagpatay kay Victoria Pangilinan.