Most wanted person nalambat matapos ang 14 na taong pagtatago

Part 17

Matapos maitala sa blotter ng Station 1 ng Olongapo City Police Office ang pagkakadakip kay Gamboa, isinama na siya nina Col. Cansilao patungo sa tanggapan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Nang makarating sa kaalaman ng anak ni Victoria na si Jerry ang pagkakahuli kay Gamboa, kaagad siyang nagtungo sa headquarters ng NCRPO upang hintayin ang pagdating ng mga pulis na nakadakip sa inaakusahang pumatay sa kanyang ina.

Nakarating na rin sa kaalaman ng mga mamamahayag ang tagumpay ng isinagawang pag-TUGIS kay Gamboa kaya’t napuno ng mga naghihintay na miyembro ng media ang tanggapan ni Maj. Gen Eleazar.

Unang humarap sa mga mamamahayag ang anak ng pinaslang na biktima na si Jerry at kanyang inihayag ang umano’y dahilan ng ginawang pagpaslang ni Gamboa sa kanyang ina.

Ayon kay Jerry, madalas umanong humingi ng salapi sa kanyang ina ang naging kalaguyong si Gamboa at kapag hindi kaagad nabigyan ay inaaway at sinasaktan ang kanyang ina.

Bago aniya niya natuklasan ang bangkay ng kanyang ina, sinabi sa kanya ng ilang kapitbahay na narinig pa ang pagtatalo ng dalawa hanggang sa tumahimik na sa loob ng bahay.

Sa kabila aniya ng paalala nilang magkakapatid sa ina na mag-ingat sa pakikipag-relasyon sa pulis, hindi na aniya nsila nanghimasok lalu na’t may kanya-kanya na silang pamilya at nais din nilang makalasap ng kaligayahan ang kanilang ina.