Mother Lily, naawa kay Mercedes

Mother Lily Monteverde

AYAW nang palakihin ni Mother Lily ang isyu nila ni Mercedes Cabral.
Pinakiusapan niya ang ilang movie press na tigilan na si Mercedes.

“Kawawa naman ­siya, eh. Hayaan na natin siya,” pakli ng Regal matriarch.

Nagpasalamat na lang si Mother sa mga nagtanggol sa kanya, at nagulat siya na mas galit pa ang ibang tao kesa sa kanya.

Doon niya naramdaman kung gaano siya kamahal ng mga kasamahan niya sa industriya.

Mangiyak-ngiyak na nag-apologize si ­Mercedes kay Mother Lily, pero nilinaw nitong humihingi ito ng paumanhin sa pagmumura sa Facebook.

Hirit nitong indie actress, ang pagkakamali lang daw niya ay hindi ­niya ito nai-share sa friends lang niya.

Naging open ito sa kanyang FB account.

Huwag na sana ang ganoong PALUSOT ­dahil obvious na gusto niyang iparating ito sa lahat, lalo na kay ­Mother Lily.

Nasaktan daw siya sa mga pamba-bash na inabot niya at sobra raw siyang naapektuhan dahil nakarating ito sa mga magulang niya.

Baka hindi alam ni Mercedes na mismong ilang nakatrabaho ­niya ang nakausap namin na na-off sa pambabastos ­niya kay Mother Lily.

Sinasabi pa ng ilan na ganyan talaga ‘yan kapa­laban. Kaagad na nagre-react at kung anu-ano ang sinasabi.

Kaya magsisilbing aral na rin ito kay Mercedes dahil itong industriya ang pinasok niya.

Tingin namin kay Mother, makakalimutan na niya ito, at kung magkita man sila ni Mercedes o makatrabaho kung sakali, pagtatawanan na lang niya ito.

Kaya isa siya sa well-loved sa showbiz ay dahil hindi marunong magtanim ng galit si ­Mother Lily.

Masama ang loob ni Mercedes sa reporter na unang nagsulat nito dahil kilala pa naman daw niya.

Pero sabi ng ilang netizens na nag-react sa mga pahayag ni Mercedes, TUMAHIMIK na lang sana siya.

Gusto naming lina­wing hindi deretsahang sinabi ni Mother Lily na ang indie films ay hindi pang-MMFF.

Hindi lang namin alam kung sa ibang ­venue niya iyun nasabi, pero ang sinabi lang niya sa presscon ng ­Mano Po 7: Chinoy, ang MMFF ay para sa bata, sa mga mahihirap na tuwing ­Pasko lang nakakatanggap ng bonus at gagastusin nila sa mga anak nila na manonood ng mga pelikulang pambata sa MMFF.

Sabi pa ni Mother Lily, “I have nothing against indie films, ako nga ang nauna sa indie na pito-pito.

“Du’n nakagawa ng pito-pito movies sina Lav Diaz, Jeffrey ­Jeturian. Suportado ko ang indie, mahal ko ang indie.”