MADALAS mag-dialogue si Mother Lily Monteverde na iba pa rin ang touch niya, kaya kahit active sa Regal Entertainment ang anak niyang si Roselle Monteverde, hindi pa rin niya ma-give-up, give-up ang pamamahala sa kanilang production company.
Lahat ng departamento sa Regal Entertainment ay tinututukan pa rin ni Mother Lily.
Pati sa presscon ng kanyang mga pelikula, si Mother Lily pa rin ang nasusunod.
Noong Huwebes, nakatutok pa rin si Mother Lily sa presscon ng pelikula nilang That Thing Called Tanga Na na pinagbibidahan nina Billy Crawford, Angeline Quinto, Eric Quizon, Kean Cipriano at Martin Escudero.
After ng presscon, tinanong kami ni Mother Lily tungkol sa trailer ng pelikula.
“Maganda, Mother, pero pangit ang sounds dito sa presscon, sabog, kaya panonoorin ko na lang sa YouTube,” komento namin.
“Oo nga, nagalit nga sa akin si Roselle. Nagtitipid daw ako, kaya pangit ang sounds dito sa presscon. Dapat daw nag-rent ako ng sound system,” pag-amin ni Mother Lily.
Si Mother Lily rin pala ang namahala pati sa sound system sa presscon.
Sabi sa amin ni Roselle, ayaw kasing mag-rent ni Mother ng sound system para sa presscon.
“Ewan ko sa nanay ko, nagtitipid siya. Five thousand lang naman ang ibabayad sa sound system, kasama na ang mga tao. Bumili-bili siya ng sariling equipment, hindi naman alam ng mga tao niya na patakbuhin, kaya sabog tuloy ang sounds kanina,” sabi ni Roselle.
Para ring Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez ang mag-inang Mother Lily at Roselle na palaging nagkokontrahan, huh!

Anyway, masaya ang mag-ina sa feedback ng entertainment press na maganda ang trailer ng That Thing Called Tanga Na.
Nakakatawa ang pagkakagawa ni Direk Joel Lamangan sa trailer ng latest movie ng Regal.
Ilang beki movies na ang hinawakan ni Direk Joel, kaya maning-mani sa kanya ang paggawa ng That Thing Called Tanga Na.
***
Habang katsikahan namin si Roselle, ang mag-inang Annabelle at Ruffa ang topic niya.
Nasa Cebu kasi si Bisaya at abala sa kanilang It Takes Gutz To Be A Gutierrez reality TV series shoot, kaya hindi sila nagkikita lately.
Sabi ni Roselle, excited siya sa 4th season ng It Takes Gutz To Be A Gutierrez na magsisimula nang ipalabas sa E! bukas nang 8:30 PM.
“`Yung nangyari ba kay Ruffa, mapapanood sa show? Sabihin mo nga pala kay Ruffa, may mga kilala ako na gusto siyang tulungan.
“Saka puwede kong i-ask si Father (Fernando) Suarez na tulungan siya. Tawagan lang niya ako,” sey ni Roselle.
Sabi ko kay Roselle, sobrang daming nagpiprisintang tulungan si Ruffa sa pinagdaraanan nito ngayon.