Sa loob at labas ng court, lutang ang liderato nina veterans Calvin Abueva at RJ Jazul sa Phoenix.

Silang dalawa ang nanggagatong sa mga kakampi para lumaban kahit minsan ay kulang sa tao dahil sa injuries.

Nagkaroon ng 12-day break ang PBA Governors Cup para bigyang-daan ang dalawang matches ng Team Pilipinas FIBA World Cup Asian Qualifiers, itinuloy ng Phoenix ang pagpapakondisyon.

Walang kalawang na pinakita ang Fuel Masters nang itumba ang Meralco 96-86 at ilista ang 4-1 card sa season-ending conference.

“Good win for us, considering ang dami naming breaks nung PBA break because of injuries,” ani coach Louie Alas.
Sina Abueva at Jazul ang nagbigay ng motibasyon sa mga kakampi.

“I have to give it to Calvin and RJ, their leadership,” dagdag ni Alas. “They kept on talking to the team. Sabi nila, five-on-five ang basketball, kahit lima lang ang matira sa atin laban tayo.”

Isa lang sa walong tira ang isinablay ni Abueva tungo sa 16 points, may 8 rebounds at 2 assists kontra Bolts.