Motor, gate wasak: 4 dedo sa nagwalang kotse

Apat katao na kinabibilangan ng dalawang senior citizen at isang menor de edad ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan matapos araruhin ng kotse ang isang motorsiklo bago ito sumalpok sa gate ng isang bahay kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Manapla, Negros ­Occidental.

Kinilala ang nasawing sina Jeljuredi Labrador, 15-anyos; Angeles Salmorin, 83; Dolores Granada, 83, at Delina Abana, 56, na namatay habang ginagamot sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) dahil sa mga grabeng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sugatan naman sina Anabelle Estil, 39-anyos, at Rolinda Barte, 77, habang arestado ang drayber ng Mitsubishi Mirage na si Froilan Samillano.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente alas-2:45 ng madaling-araw sa Barangay Tortosa matapos mawalan ng kontrol sa manibela ng kotse si Samillano at banggain ang isang motorsiklo kung saan nakaupo si Labrador. Kasunod noo’y sumalpok ang kotse sa gate ng isang bahay.

Ayon kay Police Capt. Jaynick Bermudez, hepe ng Manapla Municipal Police Station (MPS), bukod kay Labrador ay patay din ang tatlong babaeng pasahero ni Samillano habang sugatan ang dalawang iba pa dahil sa lakas ng pagkakasalpok ng kotse sa gate.

Napag-alaman na patungo sana ng Cadiz City para magpagamot sa albularyo ang mga sakay na matatanda nang mangyari ang aksidente.

Kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at physical injuries ang isinampa ng pulisya laban sa drayber na si Samillano. (Edwin Balasa)