Patay ang isang 21-anyos na binata at 20-anyos na dalagang back rider nito matapos ang salpukan ng sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na SUV kahapon nang madaling-araw sa bayan ng Casiguran, Sorsogon.

Kinilala ang dalawang biktima na pawang dead-on-arrival (DOA) sa pinagdalhang ospital na sina Brian Jay Haboc, 21 at Maria Hanna Epe, 20, parehong estudyante at residente ng Brgy. San Roque, Bulusan, Sorsogon.

Samantala, kasalukuyang nasa kustodya ng Casiguran PNP ang suspek na si Edgar Borela, 61, residente ng Port Area, Manila na siyang drayber ng nakasalpukang SUV.

Pauwi na sana ang mga biktima lulan ng motorsiklo na minamaneho ni Haboc subalit pagdating sa lugar ng pinangyarihan ay sinubukan nitong mag-overtake sa sinusundang trak at napunta sa kabilang linya ng kalsada at doon at nagkaroon ng head on collision ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima at kasalubong na Chevrolet SUV na minamaneho naman ni Edgar.