Motorista umalma sa nambanggang Chinese driver

Sa social media ibinahagi ni Chona Sebastian ang naging karanasan nito nang banggain ito ng Chinese national, na nagmamaneho kahit wala umanong maipakitang dokumento tulad ng lisensya, sa kanto ng Buendia at Osmeña Highway, Sabado nang umaga.

Ani Sebastian, naganap ang insidente dakong alas-11:44 nang umaga, binangga umano ng dayuhan ang kotse nito na minamaneho ng kanyang driver. Nang bumaba siya para tingnan ang naging pinsala ay kumaripas ang puting Hyundai.

Nang maabutan nila ang kotse ay dito na nila nakita na Chinese ang nagmamaneho nito. Wala umano itong maipakitang driver’s license, car regis­tration, o ‘di kaya’y pasaporte.

Hawak lang nito ang cellphone niya at ito ang pilit na ipinakikita kina Sebastian. Makalipas ang 10 minuto, may dumating na tatlo pang Chinese at isang babaeng Chinoy interpreter na humirit umano na magpaareglo.

Pero tumanggi si Sebastian na magpa-areglo. Aniya, hindi ito simpleng isyu ng pagpapaayos ng sira ng sasakyan, “Hindi ako nagbigay ng presyo dahil hindi nabibili ang prinsipyo. Batas ng Pilipinas ang issue.”

Naiulat na umano nila sa pulisya ang nangyari, pero ikinadismaya nito na maging ang pulis na kanilang nakausap ay nagsabi na sana’y nagpa-areglo na lamang umano sila.

“Pera-pera na lang talaga, sir? Sana ang pulis na yun ang huling Filipino na may ganyang pag-iisip,” sabi ni Sebastian. (Eileen Mencias)