Motoristang pasaway titino sa lipat-impounding area

Positibo ang ilang mambabatas na makakatulong upang mapatino ang mga pasaway na motorista sa pagli­lipat ng Land Transportation ­Office (LTO) ng kanilang impounding a­rea sa Tarlac.­

Ito ang pahayag ni Quezon City Rep. Alfred Vargas kaugnay sa pag­lipat ng LTO ng kanilang impounding area sa labas ng Metro Manila.

“Sa ganitong paraa­n, magdadalawang isip ang mga motoristang pasa­way bago sila pumarada sa mga bawal na lugar.

Makakaluwag din ito sa daloy ng traffic sa Metro­ Manila dahil bukod sa luluwag ang mga kalsada ay magiging mas displinado na, hopefully, ang mga motorista,” pahayag ng kongresista.

Epektibo rin ang hakbanging ito, ani Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, sa pagkastigo sa mga pasaway na may-ari ng mga behikulo na balagbag na nagpaparada ng kani-kanilang sasakyan.

“Kung ako nga ang masusunod, dapat sa Sulu na lang ipadala ang mga na-impound ng mga nakaparada at nakahamba­lang na sasakyan sa Metro­ Manila. Ito ay para maranasan din ng mga pasa­way na may-ari ang hirap at inis ng publiko sa kanilang kawalan ng di­siplina,” dagdag ng solon.

Panahon naman na ayo­n kay Quezon City Rep. Winston Castelo, chair ng House Committee on Metro Manila Development, na disiplinahin ang mga motorista.

“There will be more traffic discipline. Drivers will be more cautious now as they will suffer the inconvenience of going to Tarlac should violation occurs,” ani Castelo.

Matatandaan na ipinahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na i-impond sa Tarlac ang mga balagbag na sasak­yan na pahara-hara sa mga daanan.

Epektibo sa Lunes ay ililipat na ng LTO ang na-impound na mga sasak­yan sa isang ektaryang­ impound site sa San Isidro, Tarlac City.