Mountain Bike World Championships tigil

NAUDLOT ang tsansa ng Team Pilipinas cross country squad na palakasin ang tsansa makapasok sa 2020 Olympics.

Ito ay matapos kanselahin ng International Cycling Union (UCI) ang isasagawa ngayong taon na Mountain Bike Cross Country World Championships sa Germany dahil sa panganib na hatak ng coronavirus o COVID-19 pandemic.

Una nang nagdesisyon ang UCI na i-postpone ang karera sa Albstadt sa Germany, na itinakda nitong maisagawa sa Hunyo 15 hanggang 18.

Nakatakda sanang lumahok sa torneo ang delegasyon ng Pilipinas na kinabibilangan ni Ariana Dormitorio na asam pa na madagdagan ang kanyang natipong Olympic qualifying points upang maging kauna-unahang babaeng siklista na nakatuntong sa kada apat na taong Olympics.

Base sa pahayag ng UCI, ipinaalam ng worldwide governing body ng cycling na umaasa itong maisasagawa pa rin ang Championships sa pupuwedeng buwan at petsa ngayon taon.

Nangako din ang UCI na maglalabas ito ng announcement sa posibleng rescheduling sa madaling panahon.

“The UCI shares the disappointment of the cross-country community, and acknowledges the efforts made by the City of Albstadt, the German cycling National Federation and the State of Baden-Württemberg in these difficult circumstances,” ayon sa UCI. (Lito Oredo)