Muling lumutang ang usapan kung dapat bang ikonsidera ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na iwan ang kanilang amateur status at umakyat bilang professional league.
Sa pahayag ni Games and Amusement Board chairman Abraham Mitra, tingin niya ay mas makakatulong na maging pro league ang MPBL dahil sa kanyang paniniwala, magiging daan ito para mas magtagal pa ang liga.
Ngunit taliwas naman ang tingin dito ni MPBL commissioner Kenneth Duremdes.
Kung magkakataon kasing maging pro league ang MPBL, magkakaroon na ng say ang GAB kung papaano patakbuhin ang liga.
Isa pang posibleng mawala ay ang pagdagsa ng mga collegiate player sa MPBL.
Sa ruling, ‘di puwedeng maging pro ang status ng mga manlalaro sa collegiate ranks at ito ang isa sa iniiwasan ng MPBL.
Tinatawag nga ang liga na para sa lahat ng Pilipino – mapa-kolehiyo man, hindi nakapagtapos, ex-pro, o iba pang estado.
Mas makabubuti na pangalagaan nila ang kanilang reputasyon at huwag hayaang mabago ito dahil kung titingnan, patuloy ang pag-angat ng MPBL sa buong bansa.
***
Punta naman tayo sa isa pang hot topic sa professional league na PBA (Philippine Basketball Association).
Maraming naguguluhan kung sino nga ba ang coach ng TNT – si coach Bong Ravena ba o si active consultant Mark Dickel?
Marami na kasi ang kumukuwestiyon dahil si Dickel ang madalas magtimon kapag timeouts at ‘di si Ravena.
Paano na lang ‘pag nag-champion ang TNT, ‘di kaya magselos si Dickel kay Ravena dahil ang Pinoy ang tatanggap ng kredito at ‘di siya?
Siguro ay dapat masilip din ito at magkaroon ng ruling para maiwasan ang mga ‘dummy coach’.