Lalong iinit ang aksyon sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup dahil magsisimula na ang playoffs ng liga ngayon nang live sa ABS-CBN S+A, sa bakbakang Bulacan Kuyas at Manila Stars sa 7 pm na susundan ng giriang Bataan Risers at Caloocan Supremos sa 9 pm.
Mangunguna para sa Kuyas si James Martinez, minsang naitampok sa Abante Web TV Sportalakan at Abante Lodi Atletiko, samantalang si Reil Cervantes ang aasahan ng Stars sa kanilang serye.
Ang kasalukuyang numero unong koponan naman ay sasandal kina Gary David, Pamboy Raymundo, at Byron Villarias para pataubin ang Supremos.
Kumakana ng pinagsamang 31.77 puntos ang tatlo para dalhin sa tuktok ng MPBL ang Risers sa kartadang 23-2.
Pero ayon kay MPBL analyst coach Martin ‘Hammer’ Antonio, kulang pa sila ng power forward at center para tumagal sa playoffs.
“Pabor sa mga batang koponan tulad ng Bataan ang regular season. Pero pagdating ng playoffs, nagbabago na lahat. May malaking butas ang Risers sa gitna at tiyak na susunggaban iyon ng mga beterano ng Manila at Davao,” bahagi niya.