Hindi pa lusot sa kasong paglabag sa RA 8353 o Anti-rape Law ang dalawang estudyante ng Far Eastern University (FEU) na inireklamo ng isang 19-anyos na estudyante noong Mayo 6.
Ayon kay PCol. Robert Domingo, ng Manila Police District-Police Station 4 dahil sa Martes ay aalamin pa kay Assistant City Prosecutor Mary Joy Villasantos ang magiging rekomendasyon sa kaso.
“Wala pang rekomendasyon ang piskal, hinihintay nga namin,basta kami kumpleto ang papeles namin, maghaharap pa ang mga iyan (biktima at suspek), kaya lang kapag hindi yan pinuntahan ng victim tuloy-tuloy nang madi-dismiss ang kaso,” ayon kay Domingo.
Nalaman kay Patrolman Genevie Evangelista, ng MPD-PS4 na ang kaso isinampa laban kina Nicole Gonzales, 21, at Justine Mari Angelo Jacela, 23, pawang taga-Maynila ay nasa proseso pa ng imbestigasyon.
Una nang inaresto ng mga pulis sa University Belt Area Police Community Precint ang dalawang suspek nang humingi ng police assistance ang biktima na umano’y pinagsamantalahan sa loob ng Cosmo Hotel sa may España Boulevard, Sampaloc ngunit napalaya dahil diumano ay nagpaareglo ang biktima na tinanggi naman ng huli. (Juliet de Loza-Cudia)