Inilagay na naman sa kahihiyan ng tatlong kagawad ng pulis-Maynila ang Philippine National Police (PNP) makaraang masangkot sa robbery extortion sa lungsod ng Maynila.

Dinakma ang dalawang­ tauhan ng Manila Police District (MPD), sa isinagawang follow-up operation sa isang reklamo ng robbery extortion.

Gayunman ay mapa­yapa namang sumuko ang mga suspek na kinilalang sina PO1s Raymond Casas at Ell Tabing, kapwa tauhan ng MPD na kapwa dinisarmahan at dinala sa tanggapan ng Counter-Intelligence Task Force sa Camp Crame para sa kaukulang pagsasampa ng kaso.

Nabatid na una nang naaresto, kamakalawa ng gabi si PO1 Raymund Gulapa sa Pier 12, Tondo,­ Maynila sa ikinasang ­entrapment operation.

Napag-alamang nagsampa ng reklamo sa CITF ang isang Jayvare Manubag na kanilang inaresto noong Hulyo 7, taong kasalukuyan dahil sa illegal possession ng ipinagbabawal na droga.

Nakasaad din sa reklamo ni Manubag na hini­ngan umano siya ni ­Gulapa ng pera para sa pagsasampa ng mas mababang kaso.

Una umanong hini­ngan ni Gulapa si Manubag­ ng halagang P15,000 para sa kanyang kalayaan pero natawaran ng P10,000.

Nasamsam kay Gulapa ang isang .9mm glock pistol at isang .38 revolver.