Inalerto ni Manila Mayor Joseph Estrada ang buong puwersa ng Manila Police District (MPD) at emergency at rescue units ng Lugsod kasunod nang pambobomba sa Davao City, kamakalawa ng gabi.

Sinabi ni Estrada, naalala pa niya ang Rizal Day bombings noong Disyembre 30, 2000 kung saan dalawa sa limang bomba na pinasabog ng mga terorista sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ay tinanim sa Plaza Ferguson sa Malate at sa tren ng LRT 1 sa Blumentritt Station, kung saan pinakamarami ang namatay.

“Nakikiisa tayo kay Pangulong Duterte sa pa­ngangalaga ng kapaya­paan at paglaban sa tero­rismo. Dito sa Maynila ay mas pinahigpitan pa natin ang seguridad para protektahan ang publiko,” ayon kay Estrada matapos atasan si MPD Director Joel Coronel na ilagay sa full alert ang buong kapulisan.

“Sa mga Manilenyo, maging kalmado lang tayo ngunit mapagmatiyag, mag-ingat sa lahat ng oras,” dagdag pa ni Estrada.

Nanawagan rin ito sa publiko na kaagad ipagbigay alam sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang tao at nakikita nila sa kanilang komunidad.
Nagpaabot rin ng pakikiramay ni Estrada sa pamilya ng mga namatay sa naganap na pagsabog na inako ng Abu Sayyaf Group (ASG).

“Nakakalungkot na pati mga inosenteng tao ay pinapatay ng mga teroris­tang ito,” wika ng alkalde.

Nabatid na inatasan ni Estrada ang 4,500 kataong MPD na higpitang at bantayan ang mga pampublikong lugar sa lungsod tulad ng mga istasyon ng LRT 1, ospital, paaralan, simbahan, bus terminals, pier, at shopping malls.

One Response

  1. tama yan. pero wag mong kalimutan erap namaraming adik at pusher sa maynila. pati mga barangay official dyan na ginagamit mo pag eleksyon puro gago. pulbusin mo na mga yan.