MR CLUTCH!

Inikutan ni Kyrie ­Irving (2) ng Cleveland si Klay Thompson (11) ng Golden State bago ­ibinaon ang game winner sa ­final seconds ng Christmas Day game nila sa Quic­ken Loans Arena. Itinulak ni Irving ang Cavs sa 109-108 panalo. (AFP)

CLEVELAND (AP) — Sa isa pang clutch shot, tinigpas ni Kyrie Irving ang Golden State.

Nagsalpak si Irving ng turnaround jumper sa harap ni Klay Thompson, 3.4 seconds na lang nang mag-rally ang Cleveland Cavaliers tulad ng ginawa nila noong June sa NBA Finals para talunin ang Warriors, 109-108, nitong Linggo sa Christmas matchup ng last two champions.

Naiwan ng 14 sa kaagahan ng fourth quarter, unti-unting umahon ang Cavs bago binigay ang bola kay Irving.

Noong June 19, nasa kamay din ni Irving ang bola at bumitaw ng step-back 3-pointer sa harap ni Stephen Curry na nagselyo sa Game 7 at iniuwi ng Cleveland ang first major pro sports championship sapul noong 1964.

Ngayon naman, sumagasa sa lane si Irving bago umikot at pinakawalan ang tira sa harap ni Thompson, isa sa best defenders ng liga.

“The kid is special,” ani LeBron James sa kanyang teammate. “It was never in doubt.”

Nagkaroon ng huling tsansa ang Golden State pero mula sa screen ay nawalan ng balanse si Ke­vin Durant at hindi na nakatira sabay sa pagkaubos ng oras. Na-foul daw siya ni Richard Jefferson.

“I was trying to make a move,” ani Durant, tumapos ng game-high 36 points. “I didn’t fall on my own.”

Umiskor si James ng 31 points na may season-high 13 rebounds, nagdagdag si Irving ng 25 points at may 20 si Kevin Love sa Cavs, nabaon sa 3-1 sa Finals bago hinamig ang sumunod na tatlong laro para gulantangin ang Warriors.

May 24 si Thompson, 16 kay Draymond Green at 15 si Curry sa 4 of 11 shooting para sa Warriors.