MRT 19 beses tumirik

Muli na namang tumirik ang tren ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 kahapon, ika-19 sa buwan lamang ng Dis­yembre kung saan tinatayang 10,000 pasahero na ang pi­nerwisyo ng sunod-sunod na aberya.

Ayon sa MRT advisory, pinababa ang tinatayang 350 pasahero ng north bound train sa Taft Avenue-Magallanes station kahapon ng tanghali­ dahil sa technical problem ng tren.

Bumigay umano ang mga piyesa­ ng tren tulad ng regulator, insulator, chopper at carbon brush. Inabot ng higit limang minuto bago nakasakay muli ang mga pasahero.

Mula Disyembre 1 hanggang 18, 19 beses nang nagkaaberya ang operas­yon ng MRT kung saan pawang electrical at mechanical failure ang ginagamit na dahilan ng problema.

Bago ang insidente kahapon, hu­ling tumirik ang MRT noong Disyembre 15 kung saan uma­bot sa 700 pasahero­ ang pinerwisyo nang huminto ito sa north bound ng Boni station. Electrical at technical problem ang itinurong dahilan ng pagtirik ng tren.

Nagkaroon din ng aberya ang tren noong Disyembre 14 sa GMA Kamuning station kung saan 1,000 pasahero ang pinababa dakong alas-10:00 ng umaga.

Ayon sa isang pa­sahero na nakilalang­ si Haydee Arisazo,­ nakakahiya na umano ang MRT dahil may ilang turista rin ang nabibiktima ng pagtirik ng tren at ­inaasahang maikukuwento nila ito pagbalik sa kanilang bansa.

Sa loob ng buwang ito ay dalawang­ beses din na nagkaroon ng problema ang pintuan ng MRT kaya pinababa ang mga pasahero.

Sa kabila ng araw-araw na problema sa MRT-3, patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga manana­kay dahil ito pa rin ang pinakamabilis na paraan ng pagbiyahe sa kahabaan ng EDSA, kung hindi titirik.

Nagbigay naman ng katiyakan ang Department of Transportation (DOTr) na simula sa Enero­ 2018 ay maaayos na nila ang problema ng MRT-3 matapos sipain ang dating maintenance contractor na Busan Universal Rail Inc.