Halos dalawang oras na naantala ang normal na operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 kahapon matapos magkaroon ng problemang teknikal.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, dakong alas-4:19 ng hapon nang magkaproblema sa riles sa pagitan ng southbound ng Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue.

Dahil sa problemang teknikal, nagpatupad ng provisional service mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard.

Bandang alas-5:43 ng hapon na nang maibalik sa normal ang biyahe.

Kinailangan din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpadispatsa ng dalawang trak ng Armed Forces of the Philippines upang makapagbigay ng libreng sakay sa daan-daang mga pasaherong naapektuhan ng problema sa MRT-3.

Partikular na naging biyahe ng mga military truck ay mula sa Shaw Boulevard patungong Taft Avenue.