MRT 3 araw-araw idi-disinfect

Magpapatuloy ang pagdi- disinfect o paglilinis sa lahat ng parte, loob hanggang labas ng mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) hanggang tuluyang mawala ang kinatatakutang 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-NCoV) sa bansa.

Sa inilabas na abiso ni pamunuan ng MRT-3 communications officer Merrowen Mendoza, sinimulan na noong Lunes (Feb. 3) ang paglilinis ng mga tren kontra sa kinatatakutang NCoV.

“Nagsimula po ito nitong Lunes, 03 February 2020, at magpapatuloy po ang pag-disinfect ng mga tren hanggat may threat ng nCoV,” ayon kay Mendoza.

Sinimulan na ng mga personnel ng Sumitomo-MHI-TESP, maintenance service provider ng MRT-3 ang pagi-spray, paglilinis at pagpupunas ng lahat ng hawakang baka, upuan, mga pinto at bintana ng lahat ng mga tren.

Naglaan din sila ng alcohol sa mga ticket windows at may makikitang mga sabon sa mga palikuran para masigurong malinis ang Sarili at ang paligid. (Vick Aquino)