MRT, 3 beses magkakasunod na tumirik

Tatlong beses na nagkaaberya ang naitala sa biyahe sa linya ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3) kahapon ng umaga.

Unang naitala ang pagtirik dakong alas-9:10 ng umaga sa bahagi ng Shaw Boulevard station, northbound.

Itinaas sa Cate­gory 3 ang status ng biyahe ng MRT at pinababa ang mga pasahero makaraang magkaproblema ang isa nitong tren.

Ilang minuto lamang ang nakalipas nang alas-10:10 naman ng umaga naitala ang ikalawang aberya ng pagtirik sa Ortigas station, southbound. Problemang teknikal din ang dahilan ng aberya.

Naganap naman ang ikatlong aberya alas-11:23 ng tanghali kung saan pinababa ang mga pasahero makaraang makaranas ng parehong problema ang isang tren sa Kamuning station, southbound.

Ngayong buwan ng Oktubre, dalawang araw pa lamang hindi nakakapagtala ng aberya sa biyahe ang MRT.

Ito ay noong October 1 at 3. Nitong Oktubre 10 ay natiyempuhan ng aberya sa MRT si Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon.