Nilagyan ng uninterruptible power supply (UPS) unit ang ilang istasyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 para matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo nito.

Sa Facebook post ng MRT-3 nitong Lunes, inihayag ng ahensiya na ang mga bagong UPS unit ay ikinabit sa MRT-3 Depot sa North Avenue Station noong Linggo habang ang mga UPS unit sa Shaw Boulevard at Taft Avenue station ay inilagay naman noon pang Sabado.

“Ang UPS unit ay ang ginagamit bilang back-up power supply sa mga oras ng emergency, kapag nagkaroon ng power interruption o power failure,” sabi ng MRT-3.

Ayon kay MRT-3 communications officer King ­Mendoza, ang mga bagong UPS unit ay mayroong 40 kilo-volt ampere (kVA) bawat isa kumpara sa 20 kVA ng mga lumang unit nito.

Malaking suporta din aniya ang paglalagay ng mga bagong back-up power supply para sa upgraded signaling system ng MRT-3 para sa kaligtasan at seguridad ng kanilang mga pasahero.