MRT-3 malamig sa Kapaskuhan

Magandang balita para sa mga sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3.

Mas magiging ‘chill’ na ang pagsakay ninyo sa MRT-3 dahil sini­mulan na ang pagka­kabit ng karagdagang 33 brand new air-conditioning unit sa mga bagon ng MRT-3, batay sa anunsyo ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa DOTr, para mas lalong maging komportable ang paglalakbay ng libo-libong pasa­hero, sinimulan na ang pagkakabit ng mga bagong aircon sa MRT-3 noong Huwebes nang gabi, Nobyembre 21, bilang bahagi ng rehabilitasyon nito.

Nabatid na 120 na bagong aircon na nagkakahalaga ng P167 mil­yon ang binili ng pro­ject contractor na Sumitomo-MHI-TESP.

Ikinabit ang unang set ng 33 aircon na binili ng Sumitomo noong Agosto 3 hanggang 20 at 60 unit na ang naikabit noong nakaraang taon.

Bahagi umano ito ng P18 bilyong MRT-3 rehabilitation program ng DOTr na pinondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance mula sa Japan na babayaran sa loob ng 40 taon at may 0.1 percent interest per annum at 12-year grace period. (Dolly Cabreza)