Sa kabila ng madalas na pagmamayabang ng Department of Transportation (DOTr) tungkol sa nagawa na nito para sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3, sinabi ng Commission on Audit (COA) na ang performance ng nasabing transit system noong 2018 ang pinakamahina batay sa passenger ridership at ticket sales.
Ayon sa COA, 13 lamang sa 24 train set ang bumibiyahe sa MRT-3 noong 2018 at hindi pa rin gumagana ang 48 Dalian train na noong 2017 pa dineliber sa kabila ng isinagawang Independent Safety Audit and Assessment ng TUV Rheinland Philippines.
Sabi pa sa COA 2018 report, nang sinuri ang operasyon ng MRT-3 sa nakalipas na apat na taon, lumalabas na bumagsak ang annual ridership nito ng 26% noong 2018 sa 104 milyon mula sa 140 milyon noong 2017.
Bumaba rin ng 26% ang ticket sales nito na nasa P2,068,664,043.00 na lamang noong 2018 mula sa P2,779,352,308.00 noong 2018.
Sabi ng COA, ito ay dahilan sa konti na lang ang bumibiyaheng tren matapos i-terminate ng DOTr ang maintenance service contract sa Busan Joint Venture noong Nobyembre 3, 2017 at nag-takeover ang DOTr-MRT3 Maintenance Transition Team.
Sabi pa ng COA, kung kumonti ang mga operational glitches noong 2018, ito ay dahil sa konti rin ang mga tren na pinatakbo.
Inirekomenda ng COA na singilin na ng DOTr ang Dalian para sa mga delay nito.
Sa kuwenta ng COA, aabot na sa P2.7 bilyon ang maaaring singilin na liquidated damages sa Dalian batay sa Clause 19 ng kontrata nito. (Eileen Mencias)