MRT nagkaaberya sa tunog, mga pasahero pinababa

Muling nagkaroon ng aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kahapon pero sa pagkakataong ito ay hindi sa problemang teknikal kundi dahil sa kakaibang tunog na narinig sa isang tren nito habang bumibiyahe.

Dahil sa insidente, pinababa ang may 10 pasahero ng nagkaaberyang tren at pinababa sa kasunod na biyahe sa North Avenue Station dakong alas-4:21 ng hapon.

Inalis din sa riles ang may problemang tren para isailalim sa ‘inspection and defect analysis’ sa kanilang depot.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may narinig na kakaibang tunog sa tren ng MRT.

Noong Hunyo 2017 inabisuhan ng pamunuan ng MRT ang publiko na maging handa at mapagpasensiya sa mas mahabang pila at matagal na paghihintay dahil magsasagawa sila ng inspeksyon matapos na makarinig ng kakaibang tunog mula sa isang tren nito.

Sa press briefing noon ng MRT, inihayag nito na susuriin nila hindi lang ang tren na kumakalampag kundi lahat na ng tren para makita at malunasan ang anumang problema para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.