Ang kandidata ng DOMINICAN REPUBLIC na si Rosalba Abreu, si Raquel Pelissier ng HAITI, at si Hawa Kamara ng SIERRA LEONE ay sumali raw sa timpalak na walang suporta mula sa kanilang gobyerno.

Maraming pinagdaanan ang mga nabanggit na bansa kaya hindi sila priority ng kanilang gobyerno.

Nagpa-sponsor lang daw sila at nanghingi ng donasyon para makarating ng Pilipinas at makasali sa naturang beauty contest.

First time lang din nakasali uli ng Sierra Leone kaya inagahan daw nitong si Kamara ang pagdating.

Dito na raw siya nag-aral ng pagrampa sa tulong ng mga kababa­yan natin.

Miss Sierra Leone
Miss Sierra Leone

Sa lobby ng hotel lang daw ito rampa nang rampa, na tinutulungan ng ilang bading na naawa sa kanya.

Malamang na magnanakaw-eksena itong si Kamara ng Sierra Leone dahil siya lang ang kandidatang kalbo at maganda naman.

***

MAINIT na ang Miss Universe fever dahil ang dami na naming kasamahang reporter na aligaga sa pagkuha ng accreditation sa coverage.

Sobrang higpit kasi sa mga binibigay nilang accreditation at iilan lang ang binibigyan.

Ang iba ay nagaga­wang maggala at sumi­ngit sa ilang events ng Miss U, pero tiyak na hindi na sila makakalu­sot sa major events.

Nakibalita kami sa ilang kaibigang reporters at reliable source na may access sa mga taga-Miss Universe.

Simula pa lang ng pagdagsa ng mga kandidata noong nakaraang linggo ay nagkakanya-kanya na ng drama ang karamihan sa mga kandidata.

Ang isa sa unang eksenadora ay si Ms. COLOMBIA Andrea Tovar na dapat noong Biyernes daw ang dating niya sa bansa, ipinaurong daw niya at ginawang Sabado.

Ang gusto raw ni Ms. Colombia, siya ang isa sa mga kandidatang pinakahuling dumating.

Isa kasi siya sa ina­abangan dahil sa isyu noong nakaraang Miss Universe na ang kandidata nila ay tinanggalan ng korona dahil si Pia Wurtzbach ang totoong winner.

Bongga ang pagdating ni Ms. Colombia. Mala-Diosa ang dating!

Napalitan ito nang pamba-bash nang mag-post ito ng biro sa mga pagkaing pasalubong sa kanila na ibinigay sa tinutuluyan nilang hotel.

Tinanggal ni Ms. Colombia ang post na iyun at nag-sorry na siya.

Hindi katulad ni Ms. BRAZIL Raissa Santana na ipinost sa Instagram ang mga natanggap niyang pagkain na hinahalikan niya ang mga ito at nagpapasalamat.

***

Si Andrea Melgarejo ng PARAGUAY, noong nasa eroplano pa lang ito papunta ng Pilipinas, nag-aral daw ng ilang salitang Tagalog.

Pagdating ng airport, bongga ang linya niyang “Pilipinas, mahal ko kayo!” ang bati sa lahat.

***

Meron ding ibang kandidata na nagsadya na raw sa ibang desig­ners natin para magpagawa ng kanilang evening gown.

Isa raw rito si Ms US VIRGIN ISLANDS Carolyn Carter na pumunta raw sa shop ni Leo Almodal para magpagawa ng kanyang gown.

Makikitaan mo rin daw ng kamaldita­han ang ibang Miss U candidates pero kapag may camera na nakatutok, ang bait-bait nilang tingnan at smile nang smile sa mga tao.

Napansin daw si Ms JAPAN Sari Nakazawa na minsang inabutan daw ito ng ilang pagkain, nagpa-picture daw na parang sarap na sarap pero pag-alis ng mga cameraman, biglang balik daw sa staff ang pagkain at dedma na ito.

***

Si Ms USA Deshauna Barber ay kapansin-pansin daw ang laging pagdidikit sa kandidata nating si Maxine Medina.

Alam niya kasing halos lahat na camera at press ay tinututukan si Maxine kaya tumatabi ito para damay siya sa exposure.

Minsan ay nag-agawan daw sila ni Ms KOREA Jenny Kim sa pagpuwesto sa tabi ni ­Maxine para mapansin na rin.