Nasawi ang isang 32-anyos na tauhan ng Manila Traffic and Parking­ Bureau (MTPB) matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect kahapon ng madaling-araw sa Binondo, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Justice Jose Abad Santos General Hospital si Marlon Lacsina y Barboco, may-asawa, nakatalaga bilang parking attendant sa C.M. Recto Avenue dahil sa tama ng mga bala sa katawan.

Sa imbestigasyon ni PMSg. Boy Nino Balad­jay, ng Manila Police District-homicide section, inaalam pa kung sino at saan nagmula ang natanggap na death threat ng biktima na posibleng maging daan para makilala ang mga salarin na tumakas matapos ang pamamaril.

Naganap umano ang insidente alas-12:30 ng madaling-araw.

Ayon sa kasamahang parking attendant ng biktima, kabababa pa lang nila sa motorsiklo nang isang ‘di kilalang lalaki ang lumapit at walang sabi-sabing pinaputukan ng magkakasunod ang biktima.

Nang bumagsak sa kalye ang duguang biktima, sumakay ang suspek sa naghihintay na motorsiklo saka tumakas.

Sa imbestigasyon, may mga natanggap na banta sa buhay ang biktima simula nang maitalagang team leader ng MTPB parking attendant.

Posible umanong kinainggitan ang biktima kaya pinaslang. (Juliet de Loza-Cudia)