Hindi na makilala ang mukha ng isang jeepney barker matapos itong pagpapaluin ng tubo ng hinihinalang kaaway nito habang natutulog sa fol­ding chair kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-homicide section (MPD-hs), ang biktimang si Oscar Cruz, alyas ‘Oca’, nasa 50, walang permanenteng tirahan.

Inaalam naman ng mga awtoridad ang pagkaka­kilanlan ng tumakas na suspek, na sinasabing isa ring barker, nasa 20-25, may taas na 5’3”, kayumanggi ang balat at balingkinitan ang pangangatawan.

Naganap ang insidente dakong alas-2:07 ng madaling-araw habang natutulog ang biktima sa folding chair sa Antonio Rivera St., malapit sa Orion Hotel sa Tondo.

Ayon sa tindero na nakasaksi sa krimen, ngunit tumangging magpakilala, kitang-kita niya kung paano pinaghahampas ng suspek ng tubo ang mukha ng biktima habang natutulog ito na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.

Nang matiyak umano na patay na ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek patu­ngo sa Claro M. Recto Avenue at iniwan ang ginamit na tubo.

Sinabi naman ni Balagtas na matindi ang galit ng suspek sa biktima dahil halos mabura na ang mukha ng huli sa mga pagpalo.

Sa imbestigasyon, nalaman na maraming kaaway ang biktima sa lugar at posibleng naka­galit nito ang suspek.