Mukha ng 2 suspek sa Cotabato mall bombing bistado na

Inilabas na ng Task Group South Seas ang larawan ng dalawang suspek na nasa likod ng pagpapasabog sa South seas mall sa Cotabato City noong bisperas ng Bagong Taon.

Ang mukha ng persons of interest ay iprinisinta ni Sr. Supt. Oliver Enmodias, head ng Special Investigation Task Group (SITG). Ito ay base na rin sa nakuha nilang kopya ng CCTV kung saan nakuhanan ng camera ang dalawa na huling nakita bago mangyari ang pagsabog.

Ayon naman kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th infantry division ng Philippine Army kasunod ng ginawa nilang pakikipagpulong kay National Defense Secretary Delfin Lorenzana kahapon, ipinakita sa nasabing pulong ang ginamit na bomba na gawa sa plastic container at mayroon ding electric blasting cap, isang nine volt battery at mga concrete nails na nakadikit sa isang cellphone na may sim card.

Nag-alok na rin ng kalahating milyong piso ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawa.

Magugunitang dalawa ang nasawi habang aabot sa tatlumpu’t apat ang sugatan sa pagsabog. (PNA)