Mukha ng demonyo sa sunog sa Mandaluyong

Mga ka-Misteryo usap-usapan ngayon ang lumitaw na animo’y mukha ng demonyo habang nasusunog ang mga kabahayan sa barangay Addition Hills, Mandaluyong.

‘Yan ang ating paksa ngayon: ‘Basta may Misteryo, alamin ang totoo!’
Kasagsagan ng ma­laking sunog sa Addition Hills, Mandaluyong nang makunan ng video ang nasusunog na mga kabahayan.

Pasado alas-tres ng hapon noong Biyernes nang sumiklab ang sunog sa Barangay Addition Hills, at halos alas-10 ng gabi nang ideklara ng mga bombero na under control.

Libo-libong mga re­sidente ang nawalan ng tirahan bunsod ng sunog na lumamon sa mga kabahayan sa Block 39 at Block 40 ng Addition Hills.

Nag-viral sa social media ang video pero bahagi noon ay naispatan ang animo’y mukha ng demonyo kung kaya’t naidulog ito sa #TeamMisteryo ni Eddie ng Mandaluyong.

Eddie: “Kita naman po sa photo grab ng vi­deo na mukhang demonyo ang nagbubuga ng apoy sa nasusunog na mga kabahayan.”

Team Misteryo: “Sa aming pagsusuri, ang nakitang larawan ay mula sa hugis ng umaalimbukay na makapal na usok mula sa sunog.”

Eddie: “Pero bakit po hugis demonyo ang usok?”

Team Misteryo: “Kadalasan itong nangyayari sa iba’t ibang lugar at oras depende sa tama ng liwanag sa anumang bagay.

“Ito ay tinatawag na pareidolia, sa pagkakaintindi ko ay imahe na nalikha ng kombinasyon ng tama ng liwanag at hugis ng bagay tulad ng mga ulap o makakapal na usok.”

Hindi ko kayang sagkaan kung ano ang paniniwala ng iba tungkol dito, pero ang mahalaga ay nailigtas ang buhay ng mga residente.

***

Para sa inyong mga kuwentong kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.