Humingi ng tulong ang isang empleyado matapos umano itong mapahiya nang ipaskil ang mukha niya sa isang billboard na matatagpuan sa EDSA dahil sa utang nito.

Kinilala ang empleya­do na si Maricel Azuelo Garcia na humingi ng tulong sa programang Raffy Tulfo in Action dahil sa ginawa ng kanyang kompanya dahil umano sa company loan.

Nagtrabaho umano si Garcia sa kompanya bilang admin and accounting supervisor sa loob ng pitong taon, pero dahil gusto na nitong mag-resign, nakipagkasundo ito sa kanyang employer na magiging on-call employee para mabayaran ang utang.

Nangako rin umano si Garcia na babayaran ang utang kapag natanggap na nito ang kanyang final pay.

Ani Garcia, labis itong napahiya dahil sa billboard na nagsasaad ng kanyang buong pangalan, kabilang ang sinasabing kaso na nagsasabi na mayroon itong kaso kaugnay sa pera at pinaghahanap.

Nakiusap pa umano si Garcia na tanggalin na ang billboard at nagba­yad na rin ito ng P30,000.

Sa nasabing programa, sinabi ng host kay Garcia ang posibleng mga kaso na puwedeng isampa sa ad agency na naglabas ng billboard kabilang ang pagtatanggal sa lisensya nito at sa pinagtrabahuang kompanya at pumayag ang biktima na tuluyang kasuhan ang mga ito.

Umani naman ng mga reaksiyon mula sa mga netizen ang kuwento ni Garcia at marami ang nakisimpatya sa sinapit nito sa kompanya.