Simula sa Enero 7, 2019 ay magpapatupad ng mas mataas na multa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motorista na pasaway sa batas trapiko.

Ipinahayag kahapon ng MMDA na mula sa P200 ay magiging P1,000 na ang multa sa mga sasakyang mahuhuli sa illegal parking at P2,000 mula sa kasalukuyang P500 multa sa illegal parking ng unattended vehicle o mga sasakyang mahuhuling walang bantay.

Itinaas naman sa P1,000 mula sa kasalukuyang P150 ang multa para sa obstruction o mga sasakyang nakakasagabal sa daraanan at ginawang P1,000 ang multa sa mga lalabag sa yellow lane.

Ayon sa MMDA, batay ito sa MMDA Regulation No. 18-008 na inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), ang policy-making body ng MMDA.

Babala ni MMDA Legislative and Legal Affairs Officer-in-Charge Crisanto Saruca, posibleng umabot sa P4,000 kada araw ang maaaring ma­ging multa ng mga motoristang mahuhuli dahil sa illegal parking.

Aniya, maaaring maisyuhan ng dalawang beses na traffic violation sa loob ng isang araw ang isang moto­rista na lalabag sa bagong regulasyon ng MMDA.

“If talagang naka-obstruct siya, we can impound sa office (MMDA) basta lumagpas na sa dalawa, saka kung vital ‘yung pinagparadahan niya, for example, major thoroughfare ‘yan,” paliwanag ni Saruca.

Dagdag pa ni Saruca na kapag ang isang sasakyan ay nagpumilit na mag-park nang iligal kahit na may drayber pa ito ay puwedeng i-tow basta nakatanggap na ng tiket.

Nagbabala rin ang MMDA sa mga may sasakyan na nakaparada lang sa harapan ng kanilang bahay na hindi nila pag-aari ang kalsada.

Sakop aniya ng bagong regulasyon ang lahat ng mga pampublikong kalsada maliban na lamang sa loob ng mga pribadong subdibisyon.