HINDI feelingera ang multi-awarded young actress na si Therese Malvar.

Walang kaere-ere ang bagets nang matsika namin sa presscon ng Oh, My Mama! kahit ang dami na niyang natanggap na acting awards both here and abroad.

Happy si Therese na mapasama sa cast ng bagong Kapuso afternoon soap at natutuwa siyang mag-share ng knowledge sa kanyang bagets co-stars, na nagugulat siya dahil pawang magagaling din.

Rave na rave namin si Therese sa first movie niya na Ang Huling Cha-Cha ni Anita na gumanap siyang batang tomboy na nainlab kay Angel Aquino.

Sa 2013 Cine Filipino Film Festival ay pinataob niya si Nora Aunor sa edad na 12-anyos at siya ang tinanghal na Best Actress para sa nasabing pelikula.

Natatawang hirit sa amin ng bagets, hindi siya tomboy sa totoong buhay, pero komportable siya sa mga tibash.

Ang iba pa niyang pelikula ay Tumbang Preso,Bitukang Manok, Child House at Ha­mog (Haze) na nagwagi ng Special Jury Prize sa 2015 Cinema One Filmfest at nagbigay ng panibagong Best Actress trophy para kay Therese.

Maging sa abroad ay kabogera si bagets.

This year sa 15th New York Asian Film Festival ay tumanggap siya ng Screen International Rising Star Asia Award, na ang isa sa mga tinalo niya ay ang bida ng megahit Chinese film na The Mermaid na si Lin Yun.

Nanalo rin ang Ha­mog na dinirek ni Ralston Jover ng Outstanding Artistic Achievement Golden Goblet Award sa 19th Shanghai International Fim Festival.

At sa Russia ay muling nagmataray si Therese nang gawaran siya ng Silver St. George Best Actress Award sa 38th Moscow International Film Festival para pa rin sa Hamog.

Ang sosing trophy na natanggap niya sa MIFF ay gawa ng Chopard, kagaya ng Cannes Best Actress trophy ni Jaclyn Jose.

15-anyos na ang Grade IX na si Therese. Showbiz crush niya si Khalil Ramos na napanood niya sa Kid Kulafu at Honor Thy Father.

Sa GMA ay crush niya ang StarStruck winner na si Migo Adecer.
Hanga siya kay Ms. Jaclyn at panga­rap niya ring magwagi ng award sa Cannes.

Gusto bang maging superstar ni Therese o mas bet niyang manalo nang manalo ng awards?

“Whatever happens, happens. Pero as much as possible po, I want to do my best and ‘yung every moment ng career ko, maganda.”

Bukod sa Oh, My Mama!, abala rin ang premyadong dalagita sa shooting ng horror film ni Direk Dan Villegas na Ilawod.