Dahil sa kaguluhan sa Marawi City dulot ng Maute Group at sinasabing mga kakosa nilang mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf, nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Martial Law o isa­ilalim sa Batas Militar ang buong lalawigan ng Mindanao.

Pero bagaman ang Mindanao ang isinailalim sa Martial Law, maraming mga nasa Luzon ang hindi ­napigilang umalma sa ginawang deklarasyon ng ­punong ehekutibo dahil sa balidong dahilan — naranasan nila o ng mga kaanak o kakilala nila ang lagim ng Batas Militar noong 1972 nang ideklara ito ­ni Pangulong Ferdinand Marcos sa buong bansa.

Kung pagbabatayan ang mga kuwento ng mga ­sinasabing Martial Law survivor, aba’y nakapangi­ngilabot nga naman, mga tsong, ang umano’y mga pang-aabusong ginawa ng mga militar at pulisya sa pagdakip sa mga itinuturing kalaban o kapanalig ng mga lumalaban noon sa gobyerno.

Marami raw ang inaresto kahit walang warrant o anumang dahilan at idedetine nang walang kaso, ang ibang nakakulong ay pinahirapan at inabuso, may mga pinatay, at ang iba naman ay hindi na nakita pa ng kanilang mga mahal sa buhay.

Kahit ilang dekada na ang nakaraan mula nang mangyari ang deklarasyon ni Marcos ng Batas Mili­tar, hindi pa rin ito nawawala sa isipan ng mga na­ging biktima at ng kanilang mga kaanak. Katunayan, nga­yon ay patuloy pa rin ang pagproseso sa mga dokumento kaugnay sa ibibigay na ‘danyos’ sa mga naging biktima ng Martial Law noon ni Marcos.

Pero ang tanong, mga katropa, may basehan ba para matakot ang mga mamamayan sakaling gawin ng kasalukuyang pamahalaan na isailalim muli sa ­Batas Militar ang buong bansa, at hindi na lamang sa ­Mindanao bunga ng banta ng terorismo?

Siguro naman ay natuto na rin ng leksyon ang mga militar at kapulisan tungkol sa nangyaring pang-aabuso­ noon sa Martial Law. Hindi katulad noon, maaaring mas propesyunal na ngayon ang mga sundalo at pulis sa pagtataguyod sa pangunahing karapatan ng mga mamamayan sa ilalim ng Saligang Batas.

Katunayan, nang ideklara ang Batas Militar sa Mindanao, kaagad na nagpalabas ng guidelines ang Department of National Defense para sa mga sundalo kaugnay ng mga puwede at hindi nila puwedeng gawin habang umiiral ang Batas Militar sa Mindanao.

Inihayag din ng pamunuan ng PNP na sila man ay may inihahanda nang panuntunan na dapat ding sundin ng kanilang tauhan tungkol sa dapat at hindi nila dapat gawin.

Bukod sa pagiging propesyunal na ng mga sundalo at pulis, nakapaloob sa Saligang Batas ang mga safety measure para hindi maabuso ang Martial Law.

Marahil sa ngayon ay dapat lang maging mapagmatyag ang lahat sa posibleng kahinatnan ng kaguluhan sa Mindanao at kung lalawak pa ang sakop ng Batas Militar. Ipagdasal lang natin ang kapayapaan sa buong bansa at sana ay bawiin kaagad ang deklaras­yon ng Martial Law kapag natapos na ang kaguluhan sa Mindanao, partikular sa Marawi.

Maiba naman, happy birthday kay Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson kahapon. Kailangan ng bayang ito ang katulad niyo. Pwede pa Sir (Alam mo na ‘yun) at bukas (June 3) kay Gil ‘Koji’ Cabacungan Jr., na isa sa pinakamahusay na reporter na kaibigan ng inyong lingkod. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)