Municipal councilor tinodas sa harap ng munisipyo

Patay ang municipal councilor ng bayan ng Ginatilan sa lalawigan ng Cebu matapos itong barilin ng hindi pa kilalang salarin sa harapan ng munisipyo Miyerkoles nang hapon.

Nakuha pang isugod sa pagamutan subalit kalaunan ay nasawi rin dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Ginatilan Councilor Maria Liza Toledo.

Sa ulat ni Cebu Provincial Police Office (CPPO) Director Police Colonel Roderick Mariano, naganap ang pamamaril pasado ala-1:00 nang hapon sa harapan ng munisipyo ng bayan ng Ginatilan.

Hindi pa batid kung saan galing ang putok, kung sa riding-in-tandem o posibleng sniper umano ang tumira sa biktima.

Dahil sa pangyayari ay nagtatag ang Cebu PNP ng Special Investigation Task Group (SITG) na siyang tututok sa pagpatay kay Toledo.

“We’re now waiting for the report from the investigators in Ginatilan before we will officially open the SITG,” saad ni Mariano.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sinisilip kung ang motibo ay may kinalaman sa politika, personal o trabaho. (Edwin Balasa)