Muntik mag-quit si Yulo sa Gymnastics

Pitong taon nang magsimulang mag-tumbling ni world artistic gymnastics men’s floor exercise champion Carlos Edriel Yulo kasama ang kanyang mga kaibigan at pinsan, sumubok silang sumali sa mga training pero ‘di sila tinanggap.

Kuwento ni Yulo, na kilala ring na Caloy, outsider aniya sila at madudungis.

Sa press conference ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez Martes ng gabi sa Century Park Hotel sa Malate, Manila, siniwalat ni Yulo ang mga hirap na kanyang pinagdaanan bago nakuha ang tagumpay.

Kasama ni 19-anyos na tubong Maynila sina lady boxer Nesthy Petecio at pole vaulter Ernest John Obiena sa event na inorganisa ng PSC para kilalanin ang karangalang inuwi nila sa bansa kamakailan.

Nasikwat ni Yulo ang gold medal nang manalo sa 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships 2019 sa Stuttgart, Germany nitong Oktubre 4-13.

Ayon kay Yulo, nagsimula silang magta-tumbling sa harapan ng Manila Zoo.

“Pitong taon ako nang mag-start sa tapat ng Manila Zoo kami palagi ng mga kaibigan at pinsan ko hanggang isang araw po may lumapit sa amin na gymnast, kilala po namin siya pero ‘di namin alam na gymnast siya, ‘sabi niya bakit ‘di kayo sumali sa gymnastics sa may Rizal Memorial,” kuwento ng tinedyer.

Agad silang nagtungo sa lugar na sinabi ng kanilang kakilala pero sa unang hakbang pa lang ay nabigo agad ang grupo ni Caloy.

“Noong una ‘di kami natanggap kasi outsiders kami at ang dudungis pa namin, may mga sipon pa. Batang yagit tawag sa amin,” napapangiting hayag ni Caloy.

Pero ‘di nasiraan ng loob si Caloy, nagpatuloy at nabigyan sila ng pagkakataon, inamin niya na araw-araw ay may nawawala sa kanila dahil ‘yung iba ay ayaw payagan ng kanilang mga magulang.

Unti-unting natutupad ang pangarap ni Yulo, nakapasok siya sa national team hanggang mapunta sa Japan para mag-training kasama ang Japanese coach niya.

“Unang taon ko doon okay naman pero habang tumatagal nalulungkot na ako nami-miss ko kasi family ko,” emosyonal na saad ni Yulo, “Trainings namin ‘di po siya masaya kasi sobrang hirap, naiiyak na ako kasi parang ‘di ko na kaya, hanggang naisipan ko nang mag-quit.”

Kinausap ni Yulo ang kanyang coach na gusto na niyang sumuko at sinabihan siyang kausapin ang kanyang mga magulang sa kanyang desisyon.

“Sinabi ko kina mama at papa ko na gusto ko nang mag-quit sobrang nahihirapan na ako payag naman si mama pero sabi niya sayang naman mga pinaghirapan ko at nandito na raw ako, kaya nagsimba po kami kinabukasan.”

Naliwanagan si Yulo tapos nilang magsimba ng kanyang mga magulang kaya naman ginanahan siya sa kanyang nakaraang laban.

“Tinarget ko talaga yung ‘di na maulit yung nangyari dati na nag-stop na lang ako du’n at walang nagawa at naiiyak na lang ako. Gusto ko ipagmalaki na kaya ko pero ‘di ko ine-espect na manalo ako kasi nakita ko yung iskor ng kalaban na ‘di ko pa nari-reach ‘yun, sinabi ko sa sarili ko na parang training lang ito gusto ko ipakita sa buong mundo na maganda ang gymnastics ko.” (Elech Dawa)