Murang Kuryente Bill lusot na sa Senado

Inaprubahan na kahapon ng Senado ang panukalang batas na layuning gamitin ang kita ng gobyerno mula sa Malampaya natural gas pro­ject para mapababa ang singil sa mga konsyumer ng kuryente.

Sa botong 17-0, inaprubahan ng kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1950 o Murang Kuryente Law.

Alinsunod sa panukala, gagamitin ang share ng gobyerno mula sa Malampaya fund para bayaran ang mga utang ng National Power Corporation upang mabawasan ang buwanang electricity bill ng mga konsyumer.

Iniakda ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Murang Kuryente Law at ininsponsor ni Senador Sherwin Gatchalian.

Ipinaliwanag ng senador na mahabang panahon nang binabalikat ng taumbayan ang utang ng Napocor sa pamamagitan ng universal charge sa buwanang electricity bill.

Kung tuluyan itong maisasabatas,­ posibleng umabot sa P111.86 kada buwan ang matitipid ng bawat household na nagkokonsumo ng 200 kilowatts na katumbas ng halaga ng dalawa hanggang tatlong kilong bigas.