Murray nakaiwas sa upset

MELBOURNE, A­ustralia (AP) — Parang walang iniindang pananakit ng paa si Andy Murray nang madaliang dispatsahin ni Sam Querrey 6-4, 6-2, 6-4 sa la­rong hindi pa umabot sa 2 hours para sa pang-siyam na sunod na taon ay bumiyahe sa Round of 16 ng Australian Open.

Naiwasan ni Murray ang upset axe ni Querrey, sumibak kay Novak Djokovic sa third round ng Wimbledon noong nakaraang taon.

Tinapos noon ni Querrey ang Grand Slam run ni Djokovic. Bago ang upset ay nasa bulsa na ni Djokovic ang apat na sunod na major titles – Wimbledon at US Open noong 2015, at Australian Open at French Open ng 2016.

Sibak na sa Melbourne si Djokovic nang masingitan ni Denis Istomin 7-6 (8), 5-7, 2-6, 7-6 (5), 6-4 sa second round. Pinalitan ni Murray si Djoko­vic sa No. 1 ranking noong November.

Nagka-injury ang right ankle ni Murray sa second round, aligaga pa sa una pero kalaunan ay bumalik din ang ritmo.

Sunod na haharapin ni Murray si Mischa Zverev na 6-1, 4-6, 6-3, 6-0 winner kay Malek Jaziri.