MVP Group may tribute kay RDO

Hindi palalagpasin ng MVP group ang pagkakataon na saluduhan ang kare-retire lang na si Ranidel De Ocampo.

Pagkatapos ng 15 seasons, nag-desisyon noong Lunes si De Ocampo na tapusin na ang PBA career.

Sa Meralco Bolts niya ginugol ang huling dalawang seasons, pero sa TNT nagtagal mula 2008-2017.

Nakalinya ang special retirement ceremony kay RDO, pero maghihintay muna habang hindi pa nagre-resume ang PBA na kinansela dahil sa coronavirus.

“Definitely a player of his stature deserves something special like that,” ani Bolts team manager Paolo Trillo.

Hindi na masyadong nakalaro si De Ocampo sa huling taon sa Bolts dahil sa knee at back injuries. Dahil din sa mga iniindang ‘yun ay hindi siya inilagay ng Meralco sa active list ngayong 45th season.

Sa TNT kuminang nang husto ang star ni RDO, dito niya nakuha ang lahat ng anim na championship rings. Palamuti rito ang dalawang Finals MVP at Best Player of the Conference awards.

“While his last playing years were spent with us (Meralco), one group lang naman kami with TNT,” dagdag ni Trillo. “’Yung best years naman talaga niya is with TNT.” (Vladi Eduarte)