MVP kabado sa bagong karibal ng PLDT-Smart

Ngayon pa lamang ay nagkukumahog na ang dalawang malaking kompanya sa telecommunications industry sa bansa na ayusin ang kanilang serbisyo dahil sa posibilidad na lumipat ang publiko sa papasok na third player­ na inaasahang magbibigay ng mahigpit na kompetisyon sa pabilisan ng internet.

Isiniwalat ito kahapon ni Presidential Communications Ope­rations Office (PCSO) Secretary Martin Andanar kasabay ng kanyang pahayag na interesado rin aniyang ma­ging third party para sa mas mabilis na internet service ang mga kompan­yang mula sa Japan at Taiwan.

“Sa palagay ko kahit hindi pa magsisimula o kahit nagsisimula pa lang iyong construction ng third player, sa palagay ko magkukumahog na iyong Smart at saka Globe na pagandahin iyong serbisyo eh. So before we know it maganda na rin iyong serbisyo by the end of this year,” ayon kay Andanar.

Tinukoy pa ng Kalihim ang negosyanteng si Manuel V. Pa­ngilinan na bubuhusan ng bil­yon-bilyong piso ang Globe Telcom bukod pa sa ipinangako rin ng naturang kompanya na magdadagdag din sila ng pondo para mas mapabilis ang kanilang serbisyo.

“Kasi like I said, nag-commit po si MVP ng 50 billion pesos, nag-commit po iyong Globe ng additional 48 billion pesos. Kapag hindi pa naman gumanda iyong serbisyo ‘di ba? Ewan ko na lang,” ayon pa kay Andanar.

Idinagdag pa ni Andanar na may kondisyon umano ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga papasok na dayuhang telco na bawal ibenta sa Globe at PLDT-Smart ang kanilang kompanya.